Daan-daang magsasaka sa Albay ang labis na naapektuhan matapos matabunan ng makapal na abo mula sa pag-aalboroto ng Mayon Volcano ang kanilang mga sakahan, na nagdulot ng malawakang pinsala sa mga pananim at kabuhayan.

Sa Barangay Sua, Camalig, iniulat na tinabunan ng ashfall ang mga taniman ng talong, sili, okra, at mais na sana ay malapit nang anihin. Ayon sa mga lokal na opisyal, nalanta na ang mga pananim at hindi na maaari pang pakinabangan.

Tinatayang 200 magsasaka sa naturang barangay ang direktang naapektuhan ng pinsala.

Sa kalapit na Barangay Anoling, inilahad ng mga magsasaka na tila isang iglap lamang nawala ang kanilang buwan-buwang pagsisikap, habang may ilan ding naiulat na pagkawala ng alagang hayop dahil sa epekto ng pagputok ng bulkan.

Advertisement

Sa kabila ng panganib, may ilang residente pa ring sinusubukang sagipin ang natitirang pananim, habang patuloy ang paglilinis ng mga bahay sa kabila ng panganib sa kalusugan, lalo na sa mga matatanda at may respiratory conditions.

Ayon sa ulat, umaabot na sa halos 200,000 residente sa 130 barangay ang apektado ng patuloy na aktibidad ng Mayon Volcano, kung saan 5,459 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers.

Nagbigay na rin ng tulong ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng face masks, medical assistance, at iba pang suporta para sa mga evacuee.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad kung kailangan pang palawakin ang danger zone o itaas ang alert level, habang nananatiling bawal ang pagsasaka, turismo, at quarrying sa loob ng 6-kilometrong danger zone.

Advertisement