Nagkaroon ng matinding palitan ng pahayag sa plenaryo ng Kamara nitong Martes matapos magbanggaan ang dalawang neophyte lawmakers mula Batangas hinggil sa umano’y “flood control scandal” na kinasasangkutan ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Matapang na nanawagan si Rep. Leandro Leviste ng isang imbestigasyon kaugnay sa umano’y koneksiyon ni Executive Secretary Ralph Recto kay Construction Workers Solidarity Rep. Edwin Gardiola, na nasasangkot sa kontrobersyal na proyekto sa flood control.

Agad namang tumugon si Rep. Ryan Recto at mariing ipinagtanggol ang kanyang ama laban sa mga paratang. Kinuwestyon niya ang motibo at basehan ng panawagan ni Leviste, at iginiit na walang matibay na ebidensya ang mga akusasyon.

Pinabulaanan din ni Recto ang alegasyon at binigyang-diin na “purely professional” lamang ang naging ugnayan sa pagitan ng Executive Secretary at ni Gardiola.

Advertisement

Dahil dito, uminit ang diskusyon sa plenaryo at nagdulot ng tensyon sa pagitan ng dalawang panig, na kapwa kumakatawan sa bagong henerasyon ng mga mambabatas mula sa Batangas.

Ang insidente ay nagbabadya ng mas malalim na hidwaan na maaaring makaapekto sa mga susunod na deliberasyon sa Kamara, lalo na sa mga isyung may kaugnayan sa pondo at mga proyekto ng pamahalaan.

Advertisement