Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kasalukuyang nasa Paris, France si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at umano’y naninirahan sa isang mamahaling 10-bedroom house sa Champs-Élysées habang kinakaharap nito ang kasong graft at malversation sa Pilipinas.

Ayon kay Remulla, matatagpuan umano ang naturang property malapit sa tindahan ng luxury brand na Christian Dior at tinatayang nagkakahalaga ng hanggang 200 milyong dolyar o humigit-kumulang P14.18 bilyon.

“He has a house on Champs-Elysees with 10 bedrooms and is close to a Christian Dior store,” ani Remulla.

Dagdag pa ng kalihim, kumpiyansa siyang maibabalik si Co sa Pilipinas bago matapos ang asylum application nito sa France.

Advertisement

“I am confident we’ll get the red notice and I’m confident we’re going to get Zaldy Co back here to the Philippines,” dagdag niya.

Nahaharap si Co sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang P289.5 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Matatandaang inanunsyo noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nadetine si Co sa Prague matapos umano itong maharang sa German border dahil sa problema sa travel documents.

Gayunman, sinabi ni Fredderick Vida noong Abril 28 na wala na sa kustodiya ng Czech authorities si Co, habang kinumpirma naman ng Malacañang na naghain ito ng asylum application sa France.

Ayon pa kay Remulla, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa French authorities upang pigilan ang posibleng pagbibigay ng asylum kay Co.

Samantala, mariing itinanggi ng abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain ang alegasyong nagmamay-ari ang kanyang kliyente ng naturang mansion sa Paris.

“I do know that Rep. Co does not own a 10-bedroom unit in Paris,” pahayag ni Rondain.

Advertisement