Nagbabala si Senador Erwin Tulfo na magiging malaking kahihiyan para sa Senado kung magkakaroon umano ng kudeta sa liderato nito upang mapigilan ang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Lumakas ang usap-usapan kaugnay ng umano’y planong patalsikin si Senate President Vicente Sotto III bago pa man maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives.
Ayon kay Tulfo, mahihirapang ipaliwanag sa publiko kung bakit kailangang magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado kasabay ng nakaambang impeachment trial laban kay Duterte.
“Magiging napakalinaw sa tao kung bakit magkakaroon ng kudeta. Paano nila iyon ipapaliwanag sa publiko?” ani Tulfo.
Iginiit din ng senador na hindi dapat gamitin ang pagpapalit ng liderato bilang paraan upang maantala o mapigilan ang constitutional process ng impeachment.
Dagdag pa niya, mas makabubuting hayaang umusad ang paglilitis upang magkaroon ng pagkakataon ang bise presidente na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
“Karapatan ng bawat isa na marinig ang kanilang panig. Kapag natuloy ang trial, doon lalabas ang katotohanan,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Sotto na agad na kikilos ang Senado sa oras na matanggap nito ang Articles of Impeachment, bagama’t kailangan pa rin ng ilang paghahanda bago simulan ang aktuwal na paglilitis.
Samantala, sinabi rin ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi dapat maging usapin ng pagpapalit ng liderato ang impeachment dahil obligasyon ng Senado na dinggin ang kaso alinsunod sa Konstitusyon.














