Isinampa ang isang citizen’s complaint sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa dalawang flood control projects sa ika-4 na distrito ng Camarines Sur na nagkakahalaga ng mahigit P84 milyon.
Kinilala ang naghain ng reklamo na si Romeo Aguirre Penilla mula sa Marilao.
Kabilang sa mga inireklamo sina Arnulf Bryan Fuentebella, mga engineer ng Department of Public Works and Highways na sina Gemma Timbang at Nestor Gorimbao, pati na ang mga contractor na sina Alfonso Rivero at Abner Ferrer.
Sinasampahan sila ng reklamo kaugnay ng umano’y malversation of public funds, gross neglect of duty, grave misconduct, paglabag sa Republic Act No. 3019, at Republic Act No. 9184.
Ayon sa reklamo, may kaugnayan ang kaso sa dalawang flood control projects na may kabuuang halaga na P84.19 milyon.
Ang unang proyekto ay flood mitigation structure at drainage system sa Sagñay River sa San Isidro-Nato, Sagñay na may pondong P37.2 milyon mula sa 2018 budget.
Bagama’t idineklarang tapos na noong 2020, lumabas umano sa isinagawang inspeksyon nitong 2026 ang malalaking depekto sa istruktura, paggamit ng substandard na materyales, at hindi pagsunod sa itinakdang disenyo.
Samantala, ang ikalawang proyekto ay seawall sa Garchitorena na may pondong P46.99 milyon mula sa 2022 budget. Idineklara itong 100 porsyentong kumpleto noong 2023, ngunit sa inspeksyon noong 2025 ay nadiskubreng kulang umano ito sa steel sheet piles, precast concrete piles, at wastong kapal ng pavement.
Ayon pa sa reklamo, ang pagpapalabas ng full payment sa umano’y may depektong proyekto ay maaaring indikasyon ng iregularidad.
Hiniling din ng complainant ang preventive suspension ng mga respondent habang isinasagawa ang imbestigasyon, kabilang ang lifestyle check at pagsusuri sa kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN, bank records, at iba pang financial documents.
Samantala, bukas naman ang Bombo Radyo Philippines para sa panig ng mga respondent na nadawit sa reklamo.














