Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na sasailalim sa quarantine sa Rotterdam ang 38 Pilipinong seafarers na sakay ng MV Hondius matapos itong tamaan ng hantavirus outbreak.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, apat na tripulante na ang inilipad patungong Netherlands nitong Mayo 10 habang 20 pa ang nakatakdang sumunod.

Samantala, ang natitirang 14 na deck at engine crew ay sasama sa barko patungong Rotterdam.

Sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa na sasailalim sa 42-araw na quarantine protocol ang mga Pilipinong crew at daraan muna sa testing bago payagang makauwi sa Pilipinas.

Advertisement

Ayon pa kay Herbosa, nasa mabuting kalagayan naman ang mga Pilipinong seafarers at nagnegatibo sila sa virus.

Tiniyak din ng DMW na mananatiling aktibo ang kontrata ng mga tripulante at patuloy silang makatatanggap ng sahod habang naka-quarantine.

Sasagutin naman umano ng may-ari ng barko ang lahat ng gastusin ng mga seafarer habang nasa Netherlands.

Matatandaang tatlo na ang nasawi sa hantavirus outbreak sa barko kabilang ang mag-asawang Dutch at isang German national.

Ayon sa mga health official, mababa naman ang panganib ng hantavirus sa pandaigdigang kalusugan at hindi ito maihahambing sa naging epekto ng COVID-19 pandemic.

Batay naman sa datos ng Department of Health, sinabi ni Herbosa na wala pang naitatalang kaso ng hantavirus sa Pilipinas.

Pinawi rin ng kalihim ang pangamba ng publiko hinggil sa posibilidad ng panibagong pandemya kaugnay ng napaulat na outbreak ng hantavirus.

Advertisement