Nagpatupad ang Department of Health ng mahigpit na border screening measures sa mga paliparan at pantalan upang maiwasan ang posibleng pagpasok ng hantavirus sa bansa.
Ayon sa DOH, aktibo itong nakikipag-ugnayan sa World Health Organization, gayundin sa Bureau of Quarantine at Research Institute for Tropical Medicine, upang masubaybayan ang sitwasyon ng hantavirus na naiulat na may kaugnayan sa MV Hondius.
Ang naturang outbreak ay natukoy sa barko na bumiyahe mula Ushuaia patungong Cape Verde, kung saan ang sakit ay maaaring maipasa mula sa mga daga patungo sa tao.
Kabilang sa mga sintomas ng hantavirus ang lagnat, pagkapagod, at pananakit ng kalamnan.
Bago makapasok sa bansa, kailangang sagutan ng mga pasahero ang health declaration sa pamamagitan ng eGovPH app, kung saan ilalagay ang kanilang travel history at kung may nararamdamang sintomas.
Pagdating sa bansa, isasailalim ang mga pasahero sa screening ng Bureau of Quarantine gamit ang infrared thermal scanners upang matukoy ang posibleng lagnat o sintomas.
Ayon sa DOH, ang mga pasaherong manggagaling sa mga bansang itinuturing na high-risk o may sintomas ay agad na dadalhin sa BOQ para sa masusing pagsusuri, kabilang ang physical examination at pagkuha ng travel at exposure history.
Kung kinakailangan, ililipat ang mga pasyente sa isolation facilities at DOH hospitals tulad ng Research Institute for Tropical Medicine para sa gamutan at monitoring.
Samantala, tiniyak ng DOH na handa ang bansa sa laboratory testing para sa 38 Pilipinong crew ng cruise ship sakaling makauwi sila matapos ang quarantine sa Netherlands.
Nauna nang sinabi ng DOH na wala pang naitatalang kaso ng hantavirus sa Pilipinas ngayong 2026.














