Pormal nang inihalal si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Pangulo ng Senado matapos makakuha ng 13 boto laban sa 9 na boto ni Senador Vicente Sotto III sa isinagawang plenary voting nitong Lunes, Mayo 11.
Sa kabuuang 24 senador na dumalo sa sesyon, sapat ang 13 boto ni Cayetano upang maagaw ang liderato sa Mataas na Kapulungan mula kay Sotto.
Kabilang sa mga bumoto pabor kay Cayetano, bukod sa kaniyang mga kaalyado sa Minority bloc, ay ang kaniyang kapatid na si Senadora Pia Cayetano at ang magkapatid na sina Senador Camille Villar at Mark Villar.
Samantala, ang mga senador na bumoto kay Sotto ay sina Senador Bam Aquino, Win Gatchalian, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo at si Sotto.
Nag-abstain naman sa botohan sina Senador JV Ejercito at Juan Miguel Zubiri.
Si Cayetano na ang ikaapat na naging lider ng Senado sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Nauna nang nagsilbi bilang Senate President si Zubiri sa pagsisimula ng administrasyon, sinundan ni Senador Francis Escudero noong 2024 at ni Sotto noong 2025.
Naganap ang pagpapalit ng liderato sa Senado sa gitna ng umiinit na usapin ukol sa Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Inaasahang haharap sa Senado ang impeachment complaint para sa posibleng paglilitis kapag nakakuha ito ng kinakailangang boto mula sa Mababang Kapulungan.














