Kinuwestiyon ni Bise Presidente Sara Duterte ang umano’y pagtatangkang pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa batay sa warrant mula sa International Criminal Court, iginiit na dapat dumaan muna ito sa proseso ng mga korte sa Pilipinas.
Sa panayam sa The Hague, sinabi ni Duterte na mali umano ang direktang pagpapatupad ng foreign-issued warrant sa bansa nang walang pagdaan sa lokal na hudikatura. Aniya, tulad ng kaso kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kinakailangan pa rin ng wastong legal na proseso sa Pilipinas bago ipatupad ang anumang pag-aresto.
Ayon sa ulat, ang warrant laban kay dela Rosa ay unang inilabas bilang “secret” noong Nobyembre 6, 2025 at may kaugnayan sa mga pagpatay sa kasagsagan ng war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon, kung saan siya ang dating hepe ng Philippine National Police.
Muling nagpakita si dela Rosa sa Senado matapos ang anim na buwang pagliban, kung saan sinubukan umano ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation na isilbi ang naturang warrant. Dahil dito, pansamantalang isinailalim sa lockdown ang Senado habang nangyayari ang insidente.
Ayon sa kampo ng senador, naghain na sila ng manifestation for immediate judicial protection sa Supreme Court of the Philippines upang pigilan ang agarang pag-aresto.
Sinabi naman ni bagong Senate President Alan Peter Cayetano na hindi muna ipinatupad ang pag-aresto matapos ang pakikipag-ugnayan sa NBI leadership, at iginiit na dapat dumaan muna sa mga korte sa Pilipinas ang anumang foreign warrant.
Samantala, tumanggi si Duterte na magkomento sa naging pagbabago ng liderato sa Senado na nagresulta sa pag-upo ni Cayetano at pagkakatanggal ni dating Senate President Vicente Sotto III.














