Muling nanawagan ang kampo ni Veronica “Kitty” Duterte sa Supreme Court of the Philippines na agarang aksyunan ang nakabinbing mga petisyon na humihiling sa pagbabalik sa Pilipinas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Sa isang 13-pahinang “motion to resolve,” iginiit ni Kitty Duterte na mahigit 14 buwan nang nakabinbin sa Korte Suprema ang kaso, at halos anim na buwan na mula nang maghain sila ng unang urgent motion.
Ayon sa kanya, ang patuloy na hindi pag-aksyon ng Kataas-taasang Hukuman ay nakakasira umano sa kalayaang dapat pinoprotektahan ng mga korte at maaaring magdulot ng pagkawala ng tiwala ng publiko sa hudikatura.
Sa hiwalay na petisyon, hiniling nina Kitty Duterte, Sebastian Duterte, at Paolo Duterte ang agarang pagbabalik ng dating pangulo sa Pilipinas at ang pagpapakita sa kanya sa mga awtoridad ng bansa.
Binanggit din ni Kitty ang isang resolusyon ng Senado na aniya’y sumusuporta sa pagprotekta sa mga Pilipino laban sa umano’y ilegal na pag-aresto o “extrajudicial rendition” ng kanilang ama.
Si dating Pangulong Duterte ay naaresto noong Marso 2025 batay sa warrant mula sa ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng kanyang anti-drug campaign.
Sa kasalukuyan, siya ay nakakulong sa The Hague, Netherlands habang naghahanda para sa nalalapit na paglilitis sa Pre-Trial Chamber ng ICC.














