Nagbabala si Atty. Kristina Conti na ang patuloy na pagbabanta at pagkwestiyon ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay nagagamit umano ng prosekusyon bilang dagdag na batayan upang tutulan ang anumang hiling para sa pansamantalang paglaya ng dating pangulo.
Ayon kay Conti, Assistant to Counsel sa ICC, ang mga pampublikong pahayag na tumututol sa pagiging lehitimo ng tribunal ay lalo lamang umanong nagpapalakas sa argumento ng prosekusyon laban sa interim release ni Duterte.
“Ano nga yung kasabihan? Do not interrupt when your enemy is making a mistake?” ani Conti, sabay pahayag na ang mga pagbabanta laban sa ICC ay ginagamit umano ng prosecution sa kanilang mga argumento sa korte.
Matatandaang noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC ang tatlong kaso ng crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon. Inaasahang magsisimula ang paglilitis sa pagitan ng Oktubre 2026 hanggang Pebrero 2027.
Samantala, dalawa sa mga abogado ni Duterte ang kamakailang nagbitiw sa kanyang legal team, dahilan upang magkaroon ng pagbabago sa depensa ng dating pangulo. Gayunman, iginiit ni Conti na hindi nito mapapahina ang ebidensiya ng prosekusyon laban sa kanya.
Naniniwala rin umano ang kampo ng mga biktima na ang mga aksyon at pahayag ng ilang Duterte supporters ay lalo lamang nagpapatibay sa kaso sa harap ng ICC.














