Pormal nang magtitipon ang Senado bilang impeachment court sa Mayo 18, 2026 upang simulan ang proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa liham ni Cayetano kay House Speaker Faustino Dy III na may petsang Mayo 14, kinumpirma nito ang pagtanggap ng Senado sa articles of impeachment at iba pang kalakip na dokumento na ipinadala ng Kamara de Representantes noong gabi ng Mayo 13.
Ayon kay Cayetano, magco-convene ang impeachment court sa ganap na alas-3 ng hapon alinsunod sa Senate Rules of Procedure on Impeachment Trials at sa itinatakda ng Konstitusyon.
Nahaharap si Duterte sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng pampublikong pondo, hindi maipaliwanag na yaman, at umano’y pagbabanta laban sa pangulo at First Lady.
Inatasan na rin ni Cayetano ang Senate Secretariat na ilagay ang articles of impeachment sa Calendar for Ordinary Business upang maisagawa ang pormal na referral nito sa impeachment court.
Dagdag pa niya, maglalabas ang Senado ng iskedyul para sa pagharap ng magkabilang panig sa mga susunod na araw.
Bagama’t pormal nang magtitipon bilang impeachment court sa Mayo 18, sinabi ni Cayetano na posibleng sa Hulyo pa magsimula ang aktuwal na paglilitis depende sa mga kinakailangang proseso at bilang ng session days.
Binigyang-diin din ng Senate President na susundin ng Senado ang umiiral na batas at hindi aniya magkakaroon ng pagkaantala sa impeachment proceedings.
Kasabay nito, itinanggi ni Cayetano ang mga haka-hakang may kaugnayan ang kamakailang pagbabago sa liderato ng Senado sa umano’y planong hadlangan o ipagpaliban ang impeachment trial laban kay Duterte.














