Sinampahan ng administrative cases ng Land Transportation Office (LTO) ang hindi bababa sa 56 nitong tauhan kaugnay ng iba’t ibang paglabag, kabilang ang grave misconduct, dishonesty, at extortion, ayon kay LTO Chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Ayon kay Lacanilao, bahagi ito ng nagpapatuloy na kampanya ng LTO laban sa korapsyon at kapabayaan sa loob ng ahensya sa ilalim ng kanyang 7-Point Priority Agenda na nakatuon sa integridad, katapatan, at dekalidad na serbisyo publiko.
Dagdag pa niya, hindi lamang mga operasyon laban sa mga fixer at pasaway na motorista ang tinututukan ng LTO, kundi pati na rin ang paglilinis sa hanay ng kanilang sariling mga tauhan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.
Batay sa ulat, sa 56 na empleyado na nahaharap sa kaso, isa ang presidential appointee habang 34 ang permanenteng kawani mula sa central office at iba’t ibang regional offices sa Metro Manila, Region II, Region IV-B, Region VI, Cordillera Administrative Region (CAR), at CARAGA.
Kabilang sa mga hakbang na ipinatupad ang preventive suspension at pagsasampa ng formal charges, habang ang iba ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Central Office Disciplinary Board (CODB), Regional Administrative Action Board (RAAB), at Department of Transportation (DOTr).
Samantala, 16 job order personnel ang tuluyang tinanggal sa serbisyo, habang binawi rin ang deputation authority ng dalawang LGU auxiliary enforcer at isang security guard.
Dalawang opisyal naman mula sa National Capital Region at Region XII ang pinatawan ng “stern warning” dahil sa mga administrative lapses.














