Nanawagan si Senador Jinggoy Ejercito Estrada ng malinaw na paliwanag kung sino ang nag-utos sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng Senado matapos ang insidente ng kaguluhan at pamamaril sa gusali.
Iginiit ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na dapat linawin kung sino ang nagbigay ng awtoridad sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng operasyon sa loob ng Senado kasunod ng naganap na shooting incident.
Ito ay matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang inilabas na utos para arestuhin si Senador Ronald dela Rosa.
Ayon kay Estrada, kung walang direktiba mula sa Pangulo, dapat malaman ng publiko kung sino ang nag-utos sa mga ahente ng NBI at kung sino ang mananagot sa operasyon.
Binigyang-diin din ng senador na mula pa noong Lunes ay nasaksihan na umano ng publiko ang sunod-sunod na insidente ng dahas, intimidasyon, harassment, at pambabastos laban sa Senado bilang isang co-equal institution of government.
Aniya, hindi lamang ito usapin ng protocol kundi paggalang sa batas, due process, at integridad ng isang demokratikong institusyon.
Kinuwestiyon din ni Estrada kung saan umano kumukuha ng “lakas ng loob” ang ilang operatiba ng NBI upang balewalain ang umiiral na proseso at inter-parliamentary courtesy kung walang malinaw na direktiba mula sa pinakamataas na opisyal ng pamahalaan.
Nagpahayag din siya ng pagkabahala dahil mismong mga law enforcement agency umano ang lumalabag sa batas at naghahagis ng mga walang basehang paratang laban sa Senado.
Dagdag pa niya, naiwasan sana ang insidente kung nanaig ang paggalang sa due process at tamang proseso.
Binigyang-diin din ni Estrada na hindi dapat tratuhin ang Senado bilang extension lamang ng kapangyarihan ng alinmang enforcement agency dahil isa itong independent constitutional body na dapat igalang sa lahat ng pagkakataon.














