Pinuna ni Senate President Alan Peter Cayetano ang minorya ng Senado matapos umano nitong gawing sentro ng usapin ang 2028 National Elections sa halip na tutukan ang kasalukuyang trabaho ng Senado.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, Mayo 15, 2026, sinabi ni Cayetano na tila mas inuuna umano ng bagong minorya ang politika kaysa sa tungkulin ng Senado.
“Kayo sa Minority, mas importante sa inyo ang 2028 [elections]… ang Senate presidency?” ani Cayetano.
Pinabulaanan din niya ang alegasyong naging magulo ang Senado mula nang siya ay maupo bilang lider ng kapulungan.
“You’re willing to see the Senate that way, and you’re willing to join the narrative, to flip the narrative to say, ‘Since I got here, magulo na ang Senate,’” dagdag niya.
“Kailan naging crime ang maging Senate president?” ani pa ni Cayetano.
Noong Mayo 11, nagsagawa ng Senate coup ang Duterte bloc na kinabibilangan ni Cayetano, na nagresulta sa pagpapatalsik kay Senador Tito Sotto III bilang Senate President.
Sa botong 12-9, nakuha ni Cayetano ang liderato ng Senado habang nag-abstain sina Senador JV Ejercito at Senador Migz Zubiri.
Kasunod ng reorganisasyon, idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado kabilang ang mga committee chairmanships, dahilan upang makansela ang ilang pagdinig ng mga komite.
Si Cayetano na ngayon ang ikatlong Senate President mula nang magbukas ang 20th Congress noong 2025.
Nauna nang nagsilbing Senate President si Senador Chiz Escudero bago siya mapatalsik matapos ang kudetang pinangunahan ng paksyon ni Sotto.
Naging kontrobersyal din ang pag-upo ni Cayetano matapos ang umano’y barilan sa pagitan ng Office of the Sergeant-at-Arms at mga operatiba ng National Bureau of Investigation kaugnay sa nakaambang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa noong Mayo 13.














