Nagkaisa ang mga miyembro ng Caritas Philippines Social Action Network sa panawagan na huwag ipagpaliban ng Senado ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte, isang araw bago magtipon ang Senado bilang impeachment court sa pamumuno ni Senate President Alan Peter S. Cayetano.
Sa isang pahayag na pirmado ng 167 pari at obispo, iginiit ng grupo na obligasyon ng Senado na sundin ang Konstitusyon at agad ituloy ang impeachment trial.
Binigyang-diin din nila na ang anumang pagkaantala sa proseso ay katumbas umano ng pagkaantala ng hustisya—hindi lamang para sa publiko kundi maging para sa bise presidente.
Nanawagan din ang Caritas Philippines na magsagawa ng sabayang pagpapatunog ng kampana tuwing alas-12 ng tanghali at alas-6 ng gabi sa mga simbahan, gayundin ng candle-lighting at panalangin para sa patas at makatarungang paglilitis.
Hinimok din ng grupo ang mga mananampalataya na ipagdasal ang mga senador, prosecution panel, at defense panel upang makapagpasya nang tama at kumilos ayon sa batas at katotohanan.
Ayon pa sa Caritas Philippines, lalo lamang umanong naging mahalaga ang mapayapang pagkilos ng mamamayan matapos ang mga nangyari sa Senado noong nakaraang linggo, upang maprotektahan ang demokrasya at pananagutan sa pamahalaan.














