Posibleng magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado ngayong Lunes sa muling pagbabalik ng sesyon, matapos ihayag ni Senate President Alan Peter S. Cayetano na may mga umano’y kumikilos upang siya ay mapatalsik sa puwesto.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Cayetano na may nagaganap umanong pagtatangka ng “kudeta” laban sa kaniyang liderato sa Senado.

Ayon sa Senate President, may mga senador umanong kinakausap upang muling sumama sa grupo ng minorya na pinamumunuan ni Senate Minority Leader Vicente C. Sotto III.

Dagdag pa niya, may mga ulat din umano ng “pananakot” sa ilang mambabatas na hinihikayat na lumipat ng panig.

Advertisement

Sa kasalukuyan, posibleng mabawasan ang bilang ng mga susuporta kay Cayetano dahil inaasahang hindi dadalo sa sesyon si Sen. Ronald M. dela Rosa, na umano’y malayang nakaalis sa Senado noong Huwebes ng madaling araw.

Dahil dito, maaaring bumaba sa 12 ang bilang ng mga senador na susuporta kay Cayetano kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon.

Matatandaang 13 senador ang bumoto upang mailuklok si Cayetano bilang Senate President, habang siyam ang sumuporta kay Sotto. Dalawang senador naman ang nag-abstain sa botohan na sina Sen. JV Ejercito at Juan Miguel F. Zubiri.

Kung papanig umano sa minorya ang dalawang nag-abstain at makakahikayat pa ng dalawa mula sa kasalukuyang mayorya, posibleng mabuo ang tinatawag na “Magic 13” na sapat upang magdulot ng panibagong pagbabago sa liderato ng Senado.

Advertisement