Dumepensa si Davao 1st District Representative Paolo Duterte kaugnay ng reklamong inihain sa Ombudsman ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio hinggil sa umano’y iregularidad sa 121 flood control projects sa Davao City na nagkakahalaga ng P4.4 bilyon.
Ayon sa reklamo, hinihiling ni Tinio na imbestigahan ang mga proyektong ipinatupad mula 2019 hanggang 2022 dahil sa umano’y mga iregularidad sa implementasyon ng flood control projects sa Davao City.
Sa kanyang pahayag, kinuwestiyon ni Duterte kung bakit hindi pa iniimbestigahan ni Tinio ang mga engineers, kontraktor, at iba pang politiko na umano’y sangkot sa mga maanomalyang proyekto.
Binatikos din ng kongresista si Tinio at pinaalalahanan ito na huwag kalimutan ang mandato ng ACT Teachers Party-list na nakatuon sa pagsusulong ng kalidad ng edukasyon.
Aniya, dapat umanong nakatuon ang ACT Teachers sa kapakanan ng mga guro, mga silid-aralan, sahod, at kinabukasan ng mga estudyanteng Pilipino.
Dagdag pa ni Duterte, tila nakakalimot na umano ang party-list representative sa tunay nitong mandato bilang kinatawan ng sektor ng edukasyon.














