Bumida si Oklahoma City Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander matapos pangunahan ang defending champion na Oklahoma City Thunder sa 122-113 panalo kontra San Antonio Spurs upang itabla ang Western Conference Finals series sa 1-1.

Matapos ma-limitahan sa Game 1, nagpakitang-gilas ang back-to-back NBA Most Valuable Player sa naiskor na 30 points at siyam na assists upang buhayin ang kampanya ng Oklahoma City.

Pagkatapos ng dikdikang unang quarter, umarangkada ang Thunder at nagtayo ng 11-point lead sa halftime.

Nag-ambag si Alex Caruso ng 17 points mula sa bench, habang nag-ambag sina Chet Holmgren ng 13 points at tig-12 points naman sina reserves Jared McCain at Cason Wallace. Nagdagdag din si Isaiah Hartenstein ng 10 points at 13 rebounds para sa Oklahoma City.

Advertisement

Sa panig ng Spurs, nanguna si Stephon Castle sa 25 points, habang may 22 points si Devin Vassell. Nagtala naman si Victor Wembanyama ng all-around performance na 21 points, 17 rebounds, anim na assists, at apat na blocks.

Hindi natapos ng Fil-Am guard Dylan Harper ang laro matapos magtamo ng right leg injury sa third quarter.

Lumapit pa ang Spurs sa 97-99 may 9:06 sa fourth quarter, ngunit sumagot ang Thunder sa 11-0 run, tampok ang banked-in three-pointer ni McCain, para muling lumamang ng 13 points.

Sa huling yugto, muling nakadikit ang Spurs sa 113-118 may 1:25 na lamang, ngunit nagsalpak si Gilgeous-Alexander ng mahahalagang basket upang tuluyang selyuhan ang panalo ng Thunder.

Advertisement