Nagtamo ng hamstring injury sa kanang paa ang Filipino-American rookie na si Dylan Harper sa kasagsagan ng Game 2 ng Western Conference Finals sa pagitan ng San Antonio Spurs at Oklahoma City Thunder.

Nangyari ang insidente sa ikatlong quarter ng laban nang tangkain ni Harper ang isang driving layup sa pagitan nina Ajay Mitchell at Oklahoma City Thunder guard Shai Gilgeous-Alexander, ngunit paglapag niya ay agad siyang bumagsak at ininda ang pananakit sa likod ng kanang hita.

Tinangkang tumayo at bumalik sa bench si Harper, ngunit agad siyang inasistehan ng medical staff ng San Antonio Spurs at dinala sa locker room para sa agarang pagsusuri.

Bago ma-injure, nakapagtala siya ng 12 points, tatlong assists, at dalawang rebounds sa loob ng 25 minuto ng paglalaro.

Advertisement

Napabilang din ang rookie sa NBA All-Rookie First Team na inanunsyo ngayong araw.

Sa Game 1, nagpakita rin si Harper ng impresibong double-double performance na 24 points, 11 rebounds, anim na assists, at pitong steals.

Patuloy pa ring inoobserbahan ng medical team ang kondisyon ng bagitong guard habang isinasagawa ang karagdagang evaluation sa kanyang injury.

Advertisement