Naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order No. 116 na nag-uutos ng pagtataas sa Minimum Access Volume (MAV) o dami ng pinapayagang angkat na karne ng baboy sa bansa para sa taong 2026.

Sa ilalim ng bagong kautusan, itataas ang pork import allocation mula 54,210 metric tons (MT) patungong 204,210 MT upang mapanatili ang sapat na suplay at makatulong sa pagpapanatiling abot-kaya ng presyo ng karne ng baboy at processed meat products sa merkado.

Ayon sa Malacañang, bahagi ang hakbang sa mas malawak na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) agenda ng administrasyon sa ilalim ng Executive Order No. 110.

Layunin din umano nitong mabawasan ang epekto ng tensyon sa Middle East sa ekonomiya ng Pilipinas at maprotektahan ang mga apektadong sektor.

Advertisement

Inatasan ng Pangulo ang MAV Management Committee (MMC) na tiyakin ang patas na distribusyon ng dagdag na pork imports, kung saan 30,000 MT ang ilalaan para sa mga meat processors habang 120,000 MT naman ang mapupunta sa Food Terminal Inc. (FTI) at Kadiwa ng Pangulo Program.

Batay sa EO, inirekomenda rin ng MMC ang pagpapalawig ng karagdagang 150,000 MT pork MAV kada taon sa loob ng dalawang taon upang matugunan ang kakulangan sa suplay at maiwasan ang pagtaas ng presyo ng baboy.

Inatasan din ni Pangulong Marcos ang komite na bumuo ng implementing rules sa loob ng 30 araw upang matiyak ang mabilis at maayos na paggamit ng alokasyon para sa FTI at Kadiwa programs.

Nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang Executive Order No. 116 noong Mayo 19, 2026 sa ngalan ng Pangulo, at agad itong magiging epektibo matapos mailathala sa Official Gazette o sa mga pangunahing pahayagan.

Advertisement