Photo © web

Posibleng muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa patuloy na problema sa suplay ng langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Batay sa pagtaya mula sa industriya ng langis gamit ang resulta ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange trading sa nakalipas na apat na araw, inaasahang tataas ang presyo ng diesel at gasolina.

Tinatayang madaragdagan ng ₱1.00 hanggang ₱1.30 kada litro ang diesel, habang posibleng tumaas naman ng ₱1.20 hanggang ₱1.50 kada litro ang gasolina.

Ayon sa isang source mula sa oil industry, patuloy na naaapektuhan ang diesel dahil sa mataas na presyo ng krudo at hindi pa rin nareresolbang problema sa suplay sa pandaigdigang merkado.

Advertisement

Dagdag pa nito, nananatiling mataas din ang presyo ng gasolina dahil sa limitadong global supply at pagtaas ng demand, partikular sa Estados Unidos kasabay ng peak summer season.

Bagama’t may bahagyang pagbaba kamakailan sa presyo ng krudo dahil sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, nananatili umanong pabago-bago ang galaw ng presyo dahil sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito tuwing Martes.

Advertisement