Nanawagan si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mga otoridad na paigtingin ang intelligence operations at koordinasyon ng mga law enforcement agency upang mapabilis ang pag-aresto sa mga high-profile fugitive na kasalukuyang pinaghahanap ng batas.

Ayon kay Lacson, mahalaga ang mahusay na intelligence gathering upang maging epektibo ang operasyon laban sa mga pugante at maiwasan ang pagsasayang ng resources ng gobyerno.

Kabilang sa mga binanggit niyang personalidad sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, negosyanteng si Atong Ang, dating Bureau of Corrections chief na si Gen. Gerald Bantag, at dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na umano’y sangkot sa flood control scam at pinaniniwalaang nasa France.

“Dapat umagahan, pananghalian at haponan ng law enforcers ang intelligence,” diin ni Lacson, na dati ring hepe ng Philippine National Police.

Advertisement

Kasabay nito, binatikos din ni Lacson ang ilang abogado dahil umano sa pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng paghahambing sa kanyang naging kaso noon at sa kasalukuyang sitwasyon ni Dela Rosa.

“Hindi lahat ng abogado ay pare-pareho—may mahusay, may tamad, at may mapanlinlang,” ani Lacson.

Ipinaliwanag ng senador na magkaiba umano ang kanilang naging kalagayan dahil ang kanyang pagtatago noon ay bilang isang “fugitive from injustice” matapos umano siyang targetin ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon pa kay Lacson, ang kanyang naging hakbang noon ay nakabatay sa umiiral na jurisprudence sa panahong iyon, na kalaunan ay binago at nilimitahan ang saklaw noong 2025.

Samantala, sinabi niyang si Dela Rosa ay nahaharap sa isang lehitimong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y papel nito sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Advertisement