Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong suporta ng pamahalaan para sa sports sa Pilipinas sa pagbubukas ng 2026 Palarong Pambansa sa Agusan del Sur, kabilang ang pagpapalakas ng school sports programs at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga kabataang atleta.

Kinatawan ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr. ang Pangulo sa seremonya ng pagbubukas ng Palarong Pambansa na ginanap sa Lipus Makapandong Democrito O. Plaza Sports Complex sa bayan ng Prosperidad.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi lamang pisikal na lakas ang nahuhubog sa sports kundi pati disiplina, teamwork, respeto, tiyaga, at kumpiyansa sa sarili ng kabataan.

Ayon sa Pangulo, ang Palaro ay hindi lamang para sa kompetisyon kundi para ipagdiwang ang galing at talento ng mga kabataang atleta sa bansa.

Advertisement

Bitbit ang temang “Unlocking the Future Through Sports,” lumahok sa palaro ang mga delegado mula sa 18 rehiyon, kabilang ang National Academy of Sports at Philippine Sports Overseas, na may kabuuang 10,718 student-athletes.

Tiniyak din ng Pangulo ang pagpapatuloy ng mga programa ng administrasyon para sa sports development sa pamamagitan ng pagpapalakas ng School Sports Clubs at pagpapalawak ng organisadong sports participation sa mga paaralan.

Iniulat din na namahagi ang Department of Education ng sports equipment at supplies sa mahigit 6,000 paaralan mula 2022 hanggang 2025 upang mapahusay ang training ng mga batang atleta.

Binigyang-diin din ang “Grassroots to Gold” program ng DepEd at Philippine Sports Commission na layuning paunlarin ang mga atletang may potensyal mula grassroots hanggang international competition.

Binanggit din ng Pangulo ang mga tagumpay ng mga atletang Pilipino sa international tournaments, kabilang ang 43 medalya sa ASEAN School Games sa Brunei, pati na rin ang mga performance sa taekwondo, table tennis, at swimming competitions sa Asia.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga kalahok na maglaro nang may dangal, kababaang-loob, at sportsmanship, at gamitin ang palaro bilang pagkakataon upang matuto at magbigay-inspirasyon sa kapwa.

Advertisement