Hindi dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa unang status conference ng kaniyang kaso sa International Criminal Court (ICC) na nakatakdang isagawa sa Mayo 27, 2026, matapos magsumite ang kaniyang legal team ng pormal na waiver sa ICC Trial Chamber III.

Batay sa dokumentong “Defence Notification of Mr Duterte’s Signed Waiver to Appear at the First Status Conference” na inihain noong Mayo 25, pinahintulutan umano ni Duterte ang kaniyang mga abogado na kumatawan at humawak ng lahat ng procedural matters kaugnay ng pagdinig.

Isinumite ang dokumento ng lead counsel na si Atty. Peter Haynes, KC, bilang pagsunod sa direktiba ng ICC Trial Chamber noong Mayo 22 na nagpapahintulot sa depensa na magsumite ng written waiver bago ang Mayo 25.

Ayon sa depensa, lubos na nagtitiwala ang dating pangulo sa kaniyang legal team upang tugunan ang mga usaping tatalakayin sa status conference, kabilang ang iba pang maaaring ihain sa pagdinig.

Advertisement

Ang kaso ay nakapailalim sa case number ICC-01/21-01/25 na may kaugnayan sa imbestigasyon ng ICC sa sitwasyon sa Pilipinas.

Pangungunahan ang status conference ni Judge Joanna Korner kasama sina Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.

Sa kasalukuyan, wala pang karagdagang pahayag si Duterte hinggil sa kaniyang hindi pagdalo sa naturang pagdinig.

Advertisement