Ipinatawag ng European Union at ilang bansa sa Europa ang mga kinatawan ng Russia matapos magbanta ang Moscow ng posibleng pag-atake sa Kyiv at hikayatin ang mga dayuhan, kabilang ang mga diplomat, na lumikas mula sa kabisera ng Ukraine.

Kabilang sa mga bansang nag-summon ng Russian envoys ang Germany, Norway, Netherlands, Poland, at Sweden kasunod ng pahayag ng Russia na target umano nito ang mga military facility at “decision-making centers” sa Kyiv.

Ayon sa European Union diplomatic service, ipinatawag nila ang Russian chargé d’affaires upang ipahayag ang kanilang mariing pagtutol sa tinawag nilang “unacceptable escalation” ng tensyon sa Ukraine.

“The EU delegation is remaining in Kyiv,” ayon sa tagapagsalita ng EU foreign policy, na nagbigay-diin na mananatili ang delegasyon ng EU sa kabisera ng Ukraine sa kabila ng banta.

Advertisement

Sa Norway, ipinatawag din si Russian Ambassador Nikolai Korchunov upang magpaliwanag hinggil sa umano’y “explicit threats against foreign personnel in Ukraine.”

Samantala, nanawagan ang Poland sa Russia na itigil ang tinawag nitong “unlawful aggression” laban sa Ukraine.

Itinanggi naman ng Russian embassy sa Germany ang mga paratang at sinabing “surgical strikes” lamang umano laban sa mga target na militar ang kanilang isinasagawa.

Ayon pa sa Moscow, ang planong operasyon ay tugon sa umano’y “terrorist attacks” ng Kyiv, kabilang ang insidente sa Luhansk na ikinasawi ng 21 katao.

Subalit itinanggi ito ng Ukraine at sinabing isang Russian drone unit ang tunay na target sa naturang insidente.

Advertisement