Inilunsad ng Department of Finance o DOF at Bureau of Internal Revenue o BIR ang bagong Taxpayer Portal para sa mga rehistradong nasa ilalim ng Large Taxpayers Service bilang bahagi ng digital transformation program ng pamahalaan.
Ginawa ang paglulunsad sa pambansang tanggapan ng BIR sa Quezon City nitong Mayo 26, 2026.
Layunin ng bagong portal na gawing mas madali, mabilis, at organisado ang pamamahala ng tax records at mga transaksyon ng malalaking negosyante sa bansa.
Sa pamamagitan ng sistema, maaari nang makita ng mga taxpayer ang kanilang registration details, masubaybayan ang mga tax return, matunton ang mga bayad, at makatanggap ng mga paalala mula sa portal.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, makatutulong ang TP Portal upang maiwasan ang kalituhan sa paggamit ng magkakahiwalay na sistema at magbigay ng mas malinaw na access sa tax records.
Pinuri rin niya ang pamunuan ng BIR sa pangunguna ni Commissioner Charlito Martin Mendoza dahil sa pagpapatuloy ng reporma at digitalization sa ahensya.
Samantala, sinabi naman ni Mendoza na bahagi lamang ito ng serye ng digital initiatives ng BIR ngayong 2026 kabilang ang Interactive Digital Tax Calendar, QR Code Verification System, at Digital TIN sa eGovPH App.
Sa ngayon, nakatuon muna ang pilot implementation sa mga large taxpayers upang higit pang mapahusay ang sistema bago ito palawakin sa iba pang sektor.
Ayon sa DOF at BIR, inaasahang magpapalakas ang programang ito ng kumpiyansa ng mga negosyo at mamumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas.














