Sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na posibleng nagkaroon ng “grave abuse of discretion” ang Senate majority sa pagsusulong ng amyenda sa Senate rules upang payagan ang virtual participation at online voting ng mga senador.
Ayon kay Drilon, maaaring dalhin sa Korte Suprema ang usapin dahil may kapangyarihan umano ang mataas na hukuman na ituwid ang anumang grave abuse of discretion sa ilalim ng Konstitusyon.
Ipinaliwanag niya na unang ini-refer sa Committee on Rules ang mosyon ni Senador Rodante Marcoleta, ngunit nawala umano ang naturang komite matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado kaya dinala na lamang ito sa plenaryo ng majority bloc.
Nanindigan din si Drilon na lehitimong parliamentary tactic ang ginawang pag-walkout ng minority bloc upang mapigilan ang umano’y pagmamadali sa pagpasa ng panukala.
Iniuugnay rin ni Drilon ang isinusulong na virtual voting sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dahil maaari umanong makinabang dito si Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang makaboto kahit hindi pisikal na nasa Senado.














