Target ng House Prosecution Panel na mabuksan ang mga bank account ni Vice President Sara Duterte oras na magsimula ang impeachment trial sa Senado.

Ayon kay House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, kabilang sa mga ebidensyang ihaharap nila sa Senado ang mga bank documents at testimonya mula sa mga opisyal ng bangko na hindi pa nailalantad sa mga clarificatory hearing sa Kamara.

Ipinaliwanag ni Luistro na naging maingat ang prosecution panel dahil sa umiiral na Bank Secrecy Law, ngunit may mga exemption umano ito lalo na sa mga impeachment proceedings.

Kabilang sa mga pinapayagang exemption ang may pahintulot ng depositor, kautusan ng hukuman sa mga kasong may kinalaman sa bribery at dereliction of duty, at kung ang perang nakadeposito ang mismong sentro ng kaso.

Advertisement

Tiniyak naman ni Luistro na maghahain sila ng mosyon sa impeachment court upang makapaglabas ng subpoena laban sa mga opisyal ng bangko at para sa pagsusumite ng mahahalagang dokumento.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Vice President Sara Duterte habang hinihintay pa ang pormal na pagsisimula ng impeachment trial sa Senado.

Advertisement