Ang pag-apruba sa ikatlong pagbasa ng Anti-Political Dynasty Bill sa Kamara ay maaaring ituring na isang mahalagang senyales na muling nabubuksan ang matagal nang usapin ng dinastiyang politikal sa bansa. Sa loob ng maraming dekada mula nang maipatupad ang 1987 Constitution, nanatiling “nakabinbin sa papel” ang probisyong naglalayong ipagbawal ang political dynasty—kaya’t ang pag-usad nito ngayon ay tila isang bihirang pagkakataon na subukin kung may tunay na lakas ang repormang ito o nananatili lamang itong deklarasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Ona Caritos, Executive Director- Legal Network for Truthful Elections (Lente), sinabi nito na ang kasalukuyang bersyon ng panukala ay nagbabawal sa sabay-sabay na pagtakbo o panunungkulan ng mga magkakamag-anak hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity sa parehong antas ng posisyon sa pamahalaan. Layunin nitong mabawasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya at palakasin ang sistema ng checks and balances.
Gayunpaman, kapansin-pansin na ang kasalukuyang bersyon ng panukala ay hindi ganap na mahigpit. Ang pagbabawal lamang sa sabay-sabay na pagtakbo o panunungkulan ay maituturing na “pinahinang bersyon” ng orihinal na layunin ng anti-dynasty provision.
Hindi rin maikakaila na malayo pa ang panukala sa pagiging ganap na batas, dahil dadaan pa ito sa Senado. Doon madalas nasusubok ang mga repormang may kinalaman sa kapangyarihan ng mga political families na may malakas na impluwensiya sa sistemang pampulitika.
Samantala, nilinaw ngi Caritos na sa batas na walang legal na batayan ang mga espekulasyon tungkol sa pagpapaliban o pagkansela ng 2028 elections. Ayon sa Saligang Batas, ang halalan ay isinasagawa tuwing ikalawang Lunes ng Mayo at hindi maaaring baguhin nang walang proseso ng Charter Change.
Dagdag pa nito na ang mga isyung ito ay nagpapakita ng mas malaking hamon: kung paano tunay na mapapalakas ang demokratikong sistema ng bansa at matiyak na ang mga reporma ay hindi nananatiling nasa papel lamang.














