Nagkasundo ang majority bloc ng Senado na italaga si Senator Chiz Escudero bilang presiding officer ng Senate Impeachment Court kapag nag-convene ito sa Hulyo 6.
Ayon kay Senator Ping Lacson, napagkaisahan nila sa isang pulong nitong umaga na si Escudero ang mamumuno sa mga pagdinig ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Dahil dito, hindi si Senate President Win Gatchalian ang magpe-preside sa impeachment proceedings.
Ipinaliwanag ni Lacson na pinili si Escudero dahil siya ay abogado at mayroon nang karanasan sa mga impeachment proceedings. Aniya, mahalagang may sapat na kaalaman sa batas ang magiging presiding officer dahil may mga pagkakataong kinakailangan itong agad na magpasya sa mga mosyon at iba pang usaping legal na lilitaw sa paglilitis.
Dagdag pa ni Lacson, si Gatchalian mismo ang nagmungkahi na si Escudero ang italagang presiding officer ng Impeachment Court.
Nilinaw rin niya na ang pagtatalaga kay Escudero ay hindi bahagi ng anumang kasunduan kaugnay ng kanyang paglipat sa majority bloc. Aniya, ito ay naging kolektibong desisyon ng kanilang grupo batay sa kwalipikasyon at karanasan ng senador sa mga legal na proseso.














