NILINAW ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na saklaw ng 90-araw na suspensyon ni Senador Jinggoy Estrada ang lahat ng kanyang tungkulin bilang mambabatas, kabilang ang kanyang papel bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gatchalian, pansamantalang nawawala ang lahat ng kapangyarihan at responsibilidad ng isang senador habang ito ay nasa ilalim ng suspensyon. Dahil dito, hindi rin maaaring makilahok si Estrada sa anumang bahagi ng impeachment proceedings bilang hukom ng Senado habang umiiral ang naturang suspension.
Ipinaalala rin ng Senate President na hindi na bago ang ganitong sitwasyon sa Senado, dahil mayroon nang mga naunang kaso ng suspensyon ng mga senador sa mga nagdaang taon.
Matatandaang noong Hunyo 16 ay nagpalabas ang Sandiganbayan ng preventive suspension laban kay Estrada kaugnay ng kinahaharap nitong kasong graft. Bukod dito, nahaharap din ang senador sa iba pang kasong plunder at graft na may kaugnayan umano sa mga flood control projects.
Sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kinakailangang pansamantalang alisin sa pwesto ang isang opisyal habang dinidinig ang kasong graft laban dito.
Samantala, tiniyak ni Gatchalian na patuloy na susundin ng Senado ang mga probisyon ng Saligang Batas sa pagdinig ng impeachment case. Aniya, kinakailangan pa rin ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng senador upang mahatulan at ma-convict ang isang opisyal na sumasailalim sa impeachment proceedings.














