Isinusulong ng pamahalaang lungsod ng Naga ang isang makabagong hakbang tungo sa mas ligtas at mas matatag na imprastraktura sa pamamagitan ng planong underground cabling project sa kahabaan ng Mt. Villanueva Street.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Antonio Almeda -NEA Administrator, ibinahagi nito na layunin ng proyekto na ilipat sa ilalim ng lupa ang kasalukuyang overhead utility lines, kabilang ang mga linya ng kuryente at telekomunikasyon, sa isang 800-metrong bahagi ng kalsada. Itinuturing itong pilot project para sa rehiyon na maaaring magsilbing modelo sa modernisasyon ng pamamahala ng mga pasilidad na pang-imprastraktura, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad.
Nakumpleto na ang detalyadong engineering design ng proyekto sa tulong ng mga eksperto mula sa University of the Philippines College of Engineering. Nakahanda na ang disenyo para sa pagpapatupad habang isinasagawa naman ang pinal na pagtutuos ng bill of quantities at kabuuang halaga ng proyekto.
Ayon kay Almeda, pangunahing dahilan ng proyekto ang paulit-ulit na pinsalang dulot ng mga bagyo sa mga poste at kable na nasa ibabaw ng lupa. Sa tuwing may malalakas na hangin at pagbaha, madalas na nasisira ang mga overhead utility lines na nagreresulta sa mataas na gastos sa pagkukumpuni at matagal na pagkawala ng suplay ng kuryente.
Sa ilalim ng bagong sistema, inaasahang mababawasan ang pangangailangan sa paulit-ulit na pagpapalit ng mga nasisirang pasilidad matapos ang mga kalamidad. Idinisenyo rin ang underground system upang manatiling ligtas at gumana kahit sa mga kondisyong may pagbaha.
Kasama sa implementasyon ng proyekto ang tuluyang pagtatanggal ng mga kasalukuyang poste at magkakabit-kabit na kable na tinatawag na “spaghetti wires.” Isasagawa ang paghuhukay at paglalagay ng underground facilities alinsunod sa nakumpletong disenyo.
Bagama’t wala pang itinakdang eksaktong petsa ng pagsisimula, target na maisagawa ang proyekto sa lalong madaling panahon matapos ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang tanggapan ng alkalde at mga kinauukulang departamento. Inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng humigit-kumulang isang taon kapag nagsimula na ang konstruksyon.
Bukod sa pagpapalakas ng katatagan ng mga utility system laban sa bagyo, inaasahang makatutulong din ang proyekto sa pagpapaganda ng urban landscape ng lungsod sa pamamagitan ng paglilinis ng tanawin mula sa magkakapatong na kawad at poste.
Dagdag pa nito na sa pamamagitan ng underground cabling project, ipinapakita ng Naga City ang isang maagap na hakbang sa disaster risk reduction at urban development, gamit ang teknikal na kaalaman at makabagong disenyo upang matiyak ang mas maaasahan at ligtas na serbisyo para sa mga mamamayan.













