Itinuturing naman ng isang abogado na pinakamainam na mamuno bilang presiding officer sa nalalapit na impeachment trial ng Bise Presidente si Senator Chiz Escudero dahil sa kanyang malawak na karanasan sa paglilitis at batas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Edward Chico, Lawyer | Political Analyst, ipinaliwanag nito na sa ilalim ng umiiral na mga patakaran, ang Punong Mahistrado ng Supreme Court of the Philippines ang namumuno kapag Pangulo ng bansa ang sumasailalim sa impeachment. Gayunman, para sa iba pang impeachable officials gaya ng Bise Presidente, isang miyembro ng Senado ang itinatakdang mamuno sa paglilitis.

Ayon kay Chico, mahalaga ang karanasan ni Escudero sa paghawak ng mga usaping legal upang makapagbigay ng agarang pasya sa mga usapin tulad ng pagtanggap ng ebidensiya, kakayahan ng mga testigo, at mga mosyon na ihahain habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Binigyang-diin din niya na ang impeachment ay isang natatanging proseso o sui generis na higit na pampolitika kaysa panghukuman. Aniya, bagama’t sinusunod ang mga alituntunin sa ebidensiya, nananatiling isang pampolitikang proseso ang pagpapasya sa kaso dahil nakasalalay ito sa boto ng mga senador.

Advertisement

Dagdag pa niya, ang pangunahing layunin ng impeachment ay ang pagpapatalsik sa isang opisyal sa puwesto at hindi ang pagpapataw ng parusang kriminal. Ang mga kasong kriminal ay saklaw pa rin ng mga kaukulang institusyon tulad ng Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.

Samantala, mahalaga rin ang isinasagawang pre-trial conference upang mapabilis ang aktuwal na paglilitis. Kabilang sa mga layunin nito ang pagtukoy sa mga pinagkakasunduang katotohanan, pagbuo ng listahan ng mga testigo, at pag-iwas sa mga hindi inaasahang isyu sa panahon ng pagdinig.

Gayunpaman, inaasahang haharap ang Senado sa hamon sa iskedyul dahil posibleng magsagawa ng impeachment trial nang tatlong araw bawat linggo habang kasabay nitong tinatalakay ang pambansang badyet para sa taong 2027 sa mga buwan ng Agosto at Setyembre. Dahil dito, kinakailangang balansehin ng mga senador ang kanilang tungkulin bilang mambabatas at bilang senator-judges sa paglilitis.

Batay sa mga ulat, humigit-kumulang pito sa bawat sampung Pilipino ang nagnanais na mabilis na matapos ang impeachment trial upang makapagtuon ang pamahalaan sa iba pang mahahalagang usaping pambansa.

Sa mga susunod na hakbang, inaasahang itutuloy ng impeachment court ang ikalawang yugto ng pre-trial conference upang pinal na matukoy ang mga dokumento at testigong ihaharap ng magkabilang panig, kabilang ang pagtukoy sa mga posibleng hostile witnesses at pagtatatag ng mga stipulation of facts upang mapabilis ang pag-usad ng kaso.

Advertisement