Nanatiling malakas ang Super Typhoon Francisco (Mekkhala) kahit bumagal ang pagkilos nito sa silangang bahagi ng Hilagang Luzon. Huling namataan ang bagyo mga 410 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.
May dala itong hanging umaabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 230 kilometro kada oras.
Nananatiling nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes, hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kabilang ang Gonzaga at Santa Ana, pati na rin sa silangang bahagi ng Babuyan Islands.
Ayon sa mga awtoridad, mababa na ang tsansang itaas pa sa Signal No. 2 ang mga lugar na apektado dahil bahagyang kumikilos na pahilagang-kanluran ang bagyo.
Bagama’t hindi direktang tatama sa kalupaan, pinalalakas ng bagyo ang Habagat na inaasahang magdadala ng malalakas na ulan at hangin sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Pinag-iingat din ang mga mangingisda at operator ng maliliit na bangka laban sa paglalayag sa karagatan ng Batanes, Babuyan Islands, Cagayan, Isabela, at hilagang Aurora dahil sa inaasahang malalaking alon na maaaring umabot sa 3 hanggang 4 metro.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Hunyo 26 bago tumuloy patungong Ryukyu Islands sa Japan.
Samantala, posibleng humina ang bagyo sa mga susunod na araw dahil sa hindi paborableng kondisyon ng panahon sa paligid nito.











