Humiling ang House prosecution panel sa Senado bilang Impeachment Court ng apat na karagdagang pre-trial measures upang matiyak ang mas maayos, malinaw, at episyenteng pagdinig sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.
Sa kanilang isinampang manifestation nitong Miyerkules, iminungkahi ng prosekusyon ang paggamit ng Filipino at Ingles sa mga pagdinig upang mas mapalawak ang pag-unawa ng publiko sa mga proseso ng paglilitis.
Kasama rin sa mga kahilingan ang maagang pagsisiwalat ng mga testigo, gayundin ang pagpapahintulot sa pampubliko at pribadong prosecutors na kapwa makapagsuri at makapagtanong sa iisang testigo.
Hinihiling din ng prosekusyon ang pagbubukas ng nakasegelyong kahon ng mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na kasalukuyang nasa kustodiya ng korte, bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa presentasyon ng ebidensiya.
Ayon sa House prosecutors, layunin ng mga iminungkahing hakbang na mapabilis ang daloy ng paglilitis at matiyak ang mas organisado at transparent na pagdinig sa impeachment proceedings.














