Tinitingnan ng Department of Justice (DOJ) kung may kaugnayan sa violent extremism ang naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, bukod sa posibilidad na simpleng kaso lamang ito ng pambubully.
Ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez, pinag-aaralan ng mga awtoridad kung may impluwensiya mula sa online content ang mga estudyanteng sangkot sa insidente, kabilang ang mga kahalintulad na kaso ng school shooting sa ibang bansa.
Kabilang sa sinusuri ng mga imbestigador ang posibleng impluwensiya ng mga materyal na makikita online, matapos lumabas sa social media na isa sa mga suspek ay nakasuot ng damit na may kaugnayan sa bandang KMFDM na naiugnay sa ilang school shooting incidents sa Estados Unidos.
Samantala, sinabi ng DOJ na ibeberipika muna ng mga awtoridad ang edad ng dalawang estudyanteng sangkot sa pamamagitan ng mga dokumento gaya ng birth certificate at dental records bago magpasya kung anong mga kaso ang maaaring isampa.
Dagdag pa ni Martinez, sasailalim din ang mga menor de edad na sangkot sa isang masinsinang juvenile intervention program ng lokal na pamahalaan bilang bahagi ng pagtugon sa insidente.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang buong motibo sa likod ng pamamaril at ang iba pang mga salik na maaaring may kaugnayan sa insidente.














