Isasama ng House prosecution panel bilang isa sa mga testigo sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte si court sheriff Abe Andres, na sangkot sa isang naging kontrobersyal na insidente noong 2011.
Batay sa pre-trial brief na inilabas ng prosekusyon, kabilang si Andres sa walong testigong inaasahang maghahain ng testimonya kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint.
Si Andres ang sheriff na nagpatupad ng demolition order sa isang pinag-aagawang lupa sa Barangay Soliman, Agdao District, Davao City noong 2011. Sa isinagawang demolisyon, nagkaroon ng komprontasyon sa noo’y alkalde ng Davao City na si Sara Duterte.
Sa naturang insidente, iniulat na nagtamo si Andres ng mga sugat matapos umanong suntukin sa mukha at likod ni Duterte, dahilan upang siya ay maisugod sa ospital.
Ayon sa House prosecution panel, layunin nilang gamitin ang testimonya ni Andres bilang bahagi ng kanilang ebidensya upang suportahan ang alegasyon na may posibilidad umanong gumamit ng dahas ang Bise Presidente.
Kabilang din sa mga nakatakdang tumestigo ang ilang miyembro ng law enforcement agencies at mga mamamahayag na may kaugnayan sa mga isyung nakasaad sa impeachment complaint.
Isa sa mga unang inaasahang tatalakayin ng prosekusyon sa impeachment trial ang alegasyon ng umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa House prosecution panel, inaasahang makatutulong ang mga testimonya ng kanilang mga testigo upang maipakita ang kabuuang batayan ng impeachment complaint na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.











