Iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang posibilidad ng pagpapatupad ng total ban sa mga online video game na naglalaman ng matinding karahasan.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nararapat pag-aralan ng Kongreso at ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang naturang panukala bilang bahagi ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga kabataang Pilipino.

Kasunod ito ng mga ulat na isa sa mga suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City ay umano’y nahilig sa online game na “GoreBox.”

Batay sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang GoreBox ay isang laro na nagbibigay-daan sa mga manlalaro na gumamit ng iba’t ibang armas at lumikha ng mga senaryong may kaugnayan sa karahasan.

Advertisement

Pansamantala nang hinarang ng CICC ang access sa naturang laro sa bansa habang isinasagawa ang pagsusuri sa posibleng epekto nito.

Ayon pa sa DILG, maaari ring isaalang-alang ang kaparehong hakbang laban sa iba pang online games na may katulad na marahas na nilalaman.

Sinabi ni Secretary Remulla na dapat pag-aralan kung paano naaapektuhan ng paulit-ulit na exposure sa marahas na content ang pag-iisip at pag-uugali ng kabataan.

Gayunman, patuloy pa ring pinag-aaralan ng mga eksperto ang lawak ng epekto ng violent video games sa aktuwal na asal ng isang tao, dahil marami pang iba pang salik na maaaring makaimpluwensya sa pag-uugali ng kabataan.

Advertisement