Pinalalakas ng lalawigan ng Camarines Sur ang One Town, One Product (OTOP) program sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga produktong nakaugat sa kultura at inobasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Percival Ablan (Provincial Director, Department of Trade and Industry – Camarines Sur), sinabi nito na kabilang sa mga pangunahing produkto ng lalawigan ang Pansit Bato ng Bato, Magarao Hinot ng Magarao, Inabo Textile ng Buhi, engineered bamboo products ng Bula, at Abu Dried Fish ng Calabanga. Ang mga produktong ito ay sumasalamin sa mayamang kultura at likas na yaman ng lalawigan.
Umuusbong din ang iba pang produkto tulad ng Tinuktok ng Iriga at Goa, Puff Rice ng Nabua, at Soft Brew ng Lagonoy.
Patuloy ang suporta ng DTI at mga ahensya sa MSMEs sa pamamagitan ng pagsasanay, digital marketing, at pinansyal na tulong upang mapalakas ang produksyon at benta.
Ayon sa datos, mahigit 10,000 trabaho ang nalikha noong 2025, kung saan 60% ay mula sa OTOP. Layunin ng programa na palawakin pa ang merkado ng mga lokal na produkto hanggang sa international platforms tulad ng Amazon.
Sa tulong ng mga programang ito, inaasahang mas lalakas pa ang ekonomiya ng Camarines Sur at ang kabuhayan ng mga lokal na negosyo.







