Natupad na ang isa sa mga pangarap ng yumaong rookie ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University, si Rene Baterbonia, para sa kanyang pamilya.
Ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) sa pamilya ni Baterbonia ang isang condominium unit sa Davao City na nagkakahalaga ng ₱2.26 milyon, ayon sa anunsyo ng Municipal Information Office ng LGU Talacogon sa kanilang Facebook page noong Biyernes.
Nagpasalamat din ang LGU sa mga opisyal ng NHA sa Butuan City, sa pangunguna ni Regional Director Erasme G. Madlos, sa pagbibigay ng bagong condominium unit sa pamilya Baterbonia.
Dahil sa tulong na ito, nagkaroon ng pagkakataon ang pamilya Baterbonia na magsimulang muli matapos manirahan sa kanilang minanang bahay sa Talacogon, Agusan del Sur, na madalas bahain.
Si Rene, na mas kilala bilang “Bobet,” ay nalunod habang nasa isang team-building activity ng Ateneo sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Inilibing si Bobet noong nakaraang Miyerkules. Ang kanyang kakampi na si Divine Adili ay nalunod din sa parehong team-building activity. Siya naman ay inilibing sa kanyang sariling bansa, Nigeria, noong Biyernes.
Samantala, inilibing na noong Biyernes sa Umueri, Nigeria ang foreign student-athlete ng Ateneo de Manila University na si Divine Adili, halos tatlong linggo matapos siyang masawi sa isang insidente ng pagkalunod sa Dipaculao, Aurora.
Si Adili, 21 taong gulang, ay inihatid sa kanyang huling hantungan sa pamamagitan ng isang funeral convoy na dinaluhan ng kanyang pamilya at mga mahal sa buhay, isang araw matapos maibalik sa Nigeria ang kanyang mga labi noong Huwebes.
Nasawi si Adili kasama ang kanyang kakamping si Rene Baterbonia sa isang trahedyang naganap habang isinasagawa ang team-building activity ng Ateneo Blue Eagles sa isang pribadong resort sa lalawigan ng Aurora.
Kasunod ng insidente, nagsagawa ng magkakahiwalay na imbestigasyon ang mga ahensya ng pamahalaan at ang Ateneo.
Inirekomenda ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa 11 indibidwal, kabilang ang head coach na si Tab Baldwin, dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Act.
Samantala, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na natanggap na nito ang rekomendasyon ng CIDG.
Sa panig naman ng Ateneo, kinilala nito ang rekomendasyon ng CIDG at nagpahayag na iginagalang nito ang isinagawang imbestigasyon ng ahensya.








