Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Daet Municipal Police Station kaugnay ng insidente ng panloloob sa isang tindahan ng mga cellphone at accessories sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-3:11 ng madaling araw noong Hunyo 26, 2026 at natuklasan lamang bandang alas-9:00 ng umaga ng parehong araw sa ADZ Mobile Phones and Accessories Store na matatagpuan sa Hernandez Building, Gov. Panotes Avenue, Brgy. VII, Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Carl, 30 taong gulang, negosyante at residente ng Purok-7, Brgy. II, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa salaysay ng biktima, natuklasan niyang sapilitang pinasok ang kanyang tindahan matapos makita ang sirang kandado ng pangunahing pinto ng establisimyento.
Sa isinagawang pagsusuri sa loob ng tindahan, napag-alamang nawawala ang humigit-kumulang siyamnapung (90) piraso ng iba’t ibang uri ng cellphone.
Sa isinagawang pagrepaso sa CCTV footage, nakita ang apat (4) na hindi pa nakikilalang kalalakihan na umano’y responsable sa pagkuha at pagtangay ng mga nawawalang kagamitan.
Agad namang humingi ng tulong ang mga imbestigador ng Daet MPS sa Camarines Norte Provincial Forensic Unit para sa masusing pagproseso sa pinangyarihan ng insidente, habang nagpapatuloy ang follow-up operation at iba pang hakbang para sa pagkilala at agarang pagdakip sa mga suspek.
Kaugnay nito, ang Daet Municipal Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Camarines Norte Police Provincial Office, ay humihiling ng tulong at pakikiisa ng publiko sa pagkilala at pagkakadakip sa apat (4) na hindi pa nakikilalang mga suspek na sangkot sa nasabing krimen.
Bilang suporta sa mabilis na paglutas ng insidenteng ito, naglaan si Hon. Ricarte R. Padilla, Governor ng Camarines Norte, ng halagang Tatlong Daang Libong Piso Php 300,000.00) bilang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng mapagkakatiwalaan at mahalagang impormasyon na magtuturo sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga naturang suspek.
Tinitiyak ng kapulisan na ang anumang impormasyong ibibigay ng publiko ay mananatiling mahigpit na kumpidensyal.











