Malaking oportunidad sa trabaho, negosyo at pag-unlad ng ekonomiya ang inaasahang maidudulot ng pagkakaroon ng international seaport at industrial zone sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pasacao Mayor Niño A. Tayco, inihayag ng alkalde na posibleng lumago nang mahigit 100 porsiyento ang lokal na ekonomiya kapag tuluyan nang nag-operate ang mga naturang pasilidad.

Ayon kay Tayco, isa sa mga pangunahing bentahe ng Pasacao ang estratehikong lokasyon nito at madaling pagpunta mula sa iba’t ibang lalawigan at mga pandaigdigang destinasyon.

Inaasahang makatutulong din ang international seaport sa pagpapalakas ng transportasyon at kalakalan, gayundin sa pagbibigay ng alternatibong ruta para sa mga kargamento sa halip na umasa lamang sa malalaking pantalan sa Maynila.

Advertisement

Hindi lamang malalaking industriya ang makikinabang sa proyekto kundi pati maliliit na negosyante at lokal na sektor ng kabuhayan, kabilang ang transportasyon, mga tindahan, grocery, kainan at iba pang serbisyo.

Higit sa lahat, inaasahang magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga taga-Pasacao at mga residente ng karatig-lugar nang hindi na kailangang lumuwas pa sa Maynila upang maghanapbuhay.

Sa kabuuan, inaasahang magdadala ang mga proyektong ito ng mas malaking pamumuhunan, masiglang kalakalan, dagdag na lokal na kita at mas maraming oportunidad para mapabuti ang kabuhayan ng mga pamilya.

Advertisement