Kinumpirma ng Epidemiology and Surveillance Unit ng Mandaluyong City ang pagkakaroon ng isang kumpirmadong kaso ng mpox o monkeypox sa lungsod.

Sa inilabas na public advisory, sinabi ng lokal na pamahalaan na nakipag-ugnayan na ang kanilang mga tanggapan sa lokal at regional health offices upang agad na ipatupad ang mga kinakailangang health protocols. Kabilang dito ang case investigation, contact tracing, risk assessment, at patuloy na monitoring sa mga close contacts ng pasyente.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang Mandaluyong City Government kung saan o paano nahawa ang kumpirmadong kaso.

Ang mpox ay isang infectious disease na dulot ng monkeypox virus. Maaari itong maipasa sa pamamagitan ng close contact sa isang taong may impeksiyon o sa mga bagay na nahawakan ng infected na indibidwal.

Advertisement

Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng mpox ang lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng likod at kalamnan, matinding pagkapagod, at pagkakaroon ng mga pantal o skin lesions.

Ayon sa World Health Organization o WHO, bihira ang mga kaso ng pagkamatay dulot ng mpox, ngunit mahalaga pa ring agad magpatingin sa doktor kung makaranas ng mga sintomas at sumunod sa mga payo ng mga awtoridad sa kalusugan.

Advertisement