Iginiit ni Bagong Alyansang Makabayan o Bayan Chairperson Teodoro Casiño na ang pangunahing suliranin ng pamahalaan sa usapin ng korapsyon ay ang umano’y pagiging “selective” at “transactional” ng pagpapanagot sa mga sangkot dito.

Ayon kay Casiño, hindi dapat pili lamang ang mga taong pananagutin sa mga alegasyon ng katiwalian. Aniya, kung may mapapatunayang sangkot sa korapsyon, dapat umanong managot ang lahat ng may kinalaman dito, anuman ang kanilang posisyon o katayuan sa pamahalaan.

Binigyang-diin ng lider ng Bayan na mahalagang magkaroon ng patas at walang kinikilingang proseso ng pananagutan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.

Dagdag pa niya, hindi sapat ang pagsasagawa lamang ng mga imbestigasyon at pagsasampa ng kaso kung hindi naman mababago ang sistemang nagbibigay-daan umano sa paglitaw ng mga katiwalian.

Advertisement

Ayon kay Casiño, kung walang makabuluhang pagbabago sa sistema ng pamamahala at pagpapatupad ng batas, magpapatuloy lamang ang parehong mga suliranin at mananatiling hamon ang paglaban sa korapsyon sa bansa.

Nanawagan siya ng mas malalim na reporma upang matiyak na ang pananagutan ay mailalapat nang pantay-pantay sa lahat ng sangkot.

Advertisement