Naiwasan ng isang barko ng Philippine Coast Guard o PCG ang posibleng banggaan matapos itong lapitan nang mapanganib ng isang Chinese maritime militia vessel sa karagatang malapit sa Panata Island sa Kalayaan Island Group noong Nobyembre 23.

Ayon sa PCG, inatasan ng kanilang mga tauhan ang dalawang barkong Tsino na umalis matapos mamataang ilegal na nakadaong sa loob ng teritoryal na karagatan ng Pilipinas.

Gayunman, sa halip na sumunod, mabilis na lumapit ang isa sa mga barko sa BRP Cabra hanggang sa tinatayang 200 yarda ang layo. Dahil dito, napilitang magsagawa ng maniobra ang barko ng Pilipinas upang maiwasan ang posibleng salpukan.

Tinangka rin ng naturang barko na lapitan ang rubber boat na lulan ang walong tauhan ng PCG, ngunit ligtas na nakaiwas ang mga ito.

Advertisement

Walang naiulat na nasugatan o napinsala sa insidente.

Tiniyak naman ng PCG na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay at operasyon sa Kalayaan Island Group sa kabila ng mga insidente sa karagatan ng bansa.

    Advertisement