Kinontra ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng mga tagausig ng International Criminal Court o ICC na isagawa nang sarado sa publiko ang testimonya ng ilang saksi, dahil maaari umano nitong malabag ang karapatan niya sa isang bukas at pampublikong paglilitis.
Sa 11-pahinang mosyon, kinuwestiyon ng defense team na pinamumunuan ni Atty. Peter Haynes ang planong itago ang pagkakakilanlan ng 55 sa 69 na saksi at ang pagsasagawa ng testimonya ng 22 sa mga ito nang walang access ang publiko.
Ayon sa depensa, kulang ang mga inilatag na dahilan upang patunayang nasa panganib ang bawat saksi. Iminungkahi nilang gumamit na lamang ng ibang paraan ng proteksyon gaya ng pseudonyms at pagbabago sa boses at mukha ng mga testigo.
Binigyang-diin din ng kampo ni Duterte na mahalagang mapanatili ang transparency ng paglilitis at mabigyan ang depensa ng pagkakataong suriin ang kredibilidad ng mga saksi.
Dahil dito, hiniling nila sa ICC Trial Chamber III na isa-isang suriin ang mga kahilingan batay sa aktuwal na banta sa kaligtasan ng bawat testigo.
Inihain ang mosyon bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30. Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y mga pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra droga mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.










