Iniimbestigahan ng pulisya ang dalawang katao kaugnay ng kumalat na banta ng pamamaril at pananaksak sa Batangas City Integrated High School.
Nitong Lunes, pansamantalang sinuspinde ang face-to-face classes sa paaralan matapos kumalat online ang isang mensahe mula sa umano’y Grade 10 student na nagsasabing siya ay nakararanas ng pambu-bully at nagbanta umanong mananakit ng mga kapwa estudyante gamit ang baril at patalim.
Ayon sa Batangas City Police, natukoy bilang persons of interest ang isang 17-anyos na Grade 10 student at isang 20-anyos na lalaki kaugnay ng insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, isa sa mga tinitingnang motibo sa umano’y pagbabanta ay ang sinasabing karanasan ng estudyante sa pambu-bully.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang buong detalye ng insidente, kabilang ang pagsusuri sa mga cellphone ng mga persons of interest para matukoy ang pinagmulan at konteksto ng mga kumalat na mensahe.
Samantala, tiniyak ng pamunuan ng Batangas City Integrated High School na ligtas ang kanilang campus at paiigtingin pa ang mga security measures upang mapangalagaan ang mga estudyante, guro, at iba pang personnel ng paaralan.
Inanunsyo rin ng paaralan na magpapatuloy na ngayong Martes ang face-to-face classes matapos matiyak ang kaligtasan sa loob ng campus.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon online at agad iulat ang anumang banta na maaaring magdulot ng panganib sa komunidad.














