Inihahanda ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang pagpapatupad ng bagong risk-based supervisory model na magpapahigpit sa pagbabantay sa mga bangko at non-bank electronic money issuers batay sa kanilang potensyal na makaapekto sa mga mamimili at sa kanilang kakayahang tugunan ang mga panganib sa consumer protection.

Sa ilalim ng draft memorandum ng BSP, gagamitin ang Financial Consumer Protection Risk-and-Impact Supervisory Model o FCPRISM bilang gabay sa lahat ng financial consumer protection supervisory assessments simula Enero 1, 2027.

Layunin ng bagong sistema na ituon ang mas mahigpit na pangangasiwa sa mga institusyong may mas malaking posibilidad na magdulot ng pinsala sa mga consumer, kabilang ang mga may malawak na customer base, mas komplikadong retail activities, o mahihinang consumer protection systems.

Binubuo ang framework ng tatlong pangunahing bahagi: consumer impact, consumer protection risk profile, at level of supervisory engagement. Susuriin dito ang kakayahan ng mga institusyon na protektahan ang mga mamimili at mapanatili ang patas na pagtrato sa kanila.

Advertisement

Depende sa magiging resulta ng pagsusuri, maaaring hilingin ng BSP ang karagdagang ulat at dokumento, magsagawa ng regular examinations at special reviews, at palakasin ang monitoring upang matiyak ang sapat na proteksyon sa mga gumagamit ng serbisyong pinansyal.

Advertisement