Tinawag ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro na isang tagumpay para sa sambayanang Pilipino ang naging unang araw ng impeachment trial sa Senado, matapos umusad ang prosesong itinakda sa ilalim ng Konstitusyon upang panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan.

Sa isinagawang press conference matapos ang unang araw ng paglilitis, sinabi ni Luistro na mahalagang hakbang ang pagbubukas ng impeachment trial dahil naipatutupad na ang mekanismo ng pananagutan na nakasaad sa Saligang Batas.

Ayon sa kanya, kapwa naiprisinta ng panig ng prosekusyon at depensa ang kani-kanilang opening statements, habang natalakay rin ang mga isyung napagkasunduan sa isinagawang pre-trial conference.

Inihayag din ni Luistro na magsisimula na sa Martes ang presentasyon ng mga ebidensya ng prosekusyon.

Advertisement

Unang ihaharap ng prosecution panel ang mga ebidensyang may kaugnayan sa unang artikulo ng impeachment, na tumatalakay sa umano’y pagbabanta.

Dagdag pa niya, kinilala rin ng impeachment court ang iminungkahing pagkakasunod-sunod ng prosekusyon sa pagtalakay sa mga Articles of Impeachment, na magsisilbing gabay sa maayos na pag-usad ng paglilitis.

Advertisement